-- Advertisements --

Magpapatupad ang Malabon City ng 30 minutes “heat stroke break” para sa mga traffic enforcer dahil sa nararanasang init ng panahon.

Ayon sa Public Information Office (PIO) ng lungsod, ang patakaran ay magsisimula sa bukas, Biyernes, Marso 7, at mananatili hangga’t ‘walang karagdagang abiso upang maprotektahan ang mga traffic enforcer na nagtatrabaho mula sa heat stroke at iba pang mga sakit na dulot ng init.

Hinimok din ng lokal na pamahalaan ang mga personnel na agad humingi ng tulong medikal mula sa City Health Department o pinakamalapit na ospital kung makakaranas ng mga sintomas ng heat-related illnesses.

Samantala ang mga traffic enforcer na naka-assign sa 5 a.m. hanggang 1 p.m. na shift ay magkakaroon ng break mula 10 a.m. hanggang 10:30 a.m. o mula 10:30 a.m. hanggang 11 a.m. habang ang mga naka-assign sa 1 p.m. hanggang 9 p.m. na shift ay magkakaroon ng break mula 2:30 p.m. hanggang 3 p.m. o mula 3 p.m. hanggang 3:30 p.m.

Layunin ng inisyatibong ito na matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga traffic enforcer ng lungsod habang nagtatrabaho sa matinding kondisyon ng panahon.

Pinaalalahanan din ng pamahalaan ang publiko na mag-ingat laban sa mga sakit na dulot ng init sa pamamagitan ng palaging pag-inom ng tubig, at pagsusuot ng light na damit.