Isinulong ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na tuluyan nang amyendahan ang ilang bahagi ng Revised Penal Code, para maging malinaw ang patakaran sa pagpapatupad ng good conduct time allowance (GCTA).
Batay sa Senate Bill (SB) No. 1003 na inihain ni Go, nais nitong maging mabago ang malabong bahagi ng batas, partikular na ang Articles 29, 97, 98 at 99 ng kodigo pinal.
Matatandaang ito ang naging daan para makalabas ng piitan ang mga convicted criminals, kasama na ang mga nakagawa ng heinous crime.
Naging ugat ito ng debate sa Senado, makaraang matuklasan ang nakatakda sanang paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Si Sanchez ay nahatulang guilty sa kasong panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay rin kay Allan Gomez.
Inamin naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na talagang may kulang sa batas at nararapat itong amyendahan.
Kaya naman, hangad ni Sen. Go na agad maisabatas ang kaniyang bill para masolusyunan na ang malabong bahagi ng patakaran sa GCTA.
Sa kaniyang panukala kasi ay agad nang tanggal sa ikokonsidera para sa GCTA ang sinumang nakagawa ng karumaldumal na kasalanan at gumawa ng mga dagdag na paglabag sa batas habang nasa kulungan.
“Yesterday, Sec. Guevarra pointed out what is lacking in the law. Today, I have solutions. I have filed Senate Bill No. 1003 to clearly state the intent and policy of the law not to extend the benefits of GCTA to prisoners who are convicted of heinous crimes,” wika ni Go.