BACOLOD CITY – Hindi ikinokonsidera ng Commission on Elections (Comelec) na ma-postpone ang barangay at SK elections na nakatakda sa Mayo 14.
Ito ay kahit aprubado na ng House committee on suffrage and electoral reforms ang panukala na magpapaliban ng eleksyon sa buwan ng Mayo patungo sa ikalawang Lunes sa buwan ng Oktubre.
Sa interview ng Bombo Radyo Bacolod, inihayag ni Comelec spokesperson James Jimenez, sinabi nito na mismong ang chairman ng committee ang umamin na mahihirapan silang maipasa ang panukala dahil limang session days na lang ang naiwan bago ang Lenten break.
Maging si Senate President Koko Pimentel ayon kay Jimenez ay nagdadalawang-isip na makalusot ito sa Senado dahil walang counterpart bill sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Sa ngayon ayon kay Jimenez, patuloy ang paghahanda ng poll body para sa eleksyon.
Sa katunayan, inihayag umano ng director for election and barangay affairs ng ahensya na 80 porsyento na silang handa para sa halalan.
Ang hinihintay na lang ayon kay Director Jimenez ay ang 18 milyon na mga balota na makakayang iimprinta sa loob ng 20 araw.