Dumipensa ang Malacañang sa pagtalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin bilang bahagi ng board of trustees ng Government Service Insurance System (GSIS).
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, kumpiyansa sila na magagampanan ng dating punong mahistrado ang bago nitong puwesto sa gobyerno.
“Mr. Bersamin has a sterling record of public service capped by a 10-year service in the Supreme Court where he assumed the position of Chief Justice in 2018. Former Chief Justice Bersamin finished law at the University of the East in 1973, and placed 9th in the Bar Examinations thereafter. We are confident that Mr. Bersamin would serve the GSIS with the same dedication and integrity he demonstrated in his many years of government service,” ani Panelo na siya ring presidential spokesperson.
Una rito, inilabas na rin ng Malacañang ang appointment paper ni Bersamin sa GSIS.
Ang GSIS ay isang government-owned and controlled corporation.
Bago ito kinumpirma rin Sen. Bong Go na noong nakaraang linggo ay pormal na ring nanumpa si Bersamin sa harap ni Pangulong Duterte sa Malacañang.
Ito ay makaraang mahalal din si Bersamin bilang bagong chairman of the board ng GSIS.
Pinalitan ni Bersamin si Rolando Macasaet na hinawakan ang posisyon bilang OIC ng pension fund board mula taong 2018.
Si Macasaet din kasi ang tumatayong acting president at general manager ng GSIS.
Batay naman sa appointment paper na pirmado ni Pangulong Duterte, pagsisisilbihan ni Bersamin ang hindi natapos na termino ni dating GSIS Chairman Jesus Clint Aranas na hanggang June 30, 2020.
Kung maalala noong nakaraang taon ay nag-resign si Aranas kasunod nang banggaan nito sa kompaniya ng billionaire na si Enrique Razon dahil sa balaking pagbenta ng
67-hectare property ng Manila North Harbor.
Noong nasa Supreme Court pa si Beramin kabilang sa kontrobersiyal na desisyon na siya ang nagsulat ay ang pagbibigay daan sa heroes burial kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, pag-abswelto kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa PCSO fund scam at pagbibigay nang pagkakataon kay dating Sen. Juan Ponce Enrile na makapagpiyansa sa isyu ng pork barrel scam.