Tiniyak ng Malacañang na walang hangarin si Pangulong Rodrigo Duterte na manakit sa sino mang pari at obispo ng Simbahang Katolika.
Ginawa ng Malacañang ang pahayag sa paninisi ng mga taga-oposisyon kay Pangulong Duterte sa mga death threats na tinatanggap ng mga ilang lider ng Simbahan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang dapat ikatakot ang pari at obispo kay Pangulong Duterte o sa administrasyon dahil kaisa sila sa misyong paglaban sa kasamaan.
Ayon kay Sec. Panelo, ang mga dapat matakot ay mga kriminal, tiwali, masasamang loob, mga terorista at mga sangkot sa iligal na droga.
Iginiit ni Sec. Panelo na posibleng mga pranksters, mga anti-Duterte trolls o mga personal na kaaway ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang may kagagawan sa mga death threat sa obispo.
Muling iginiit din ni Sec. Panelo na biro lamang ang tinuran ni Pangulong Duterte sa mga adik na pagnakawan at patayin ang mga obispo, bagay na pinalalabas ng mga kritiko na seryoso at malisyoso para siraan ang Pangulo.
“Let the members of the Catholic hierarchy be assured that the President means no harm. They need not be afraid as we are one with them in their mission in thwarting evil. Those who must be afraid are the criminals, the corrupt, the evildoers, the scoundrels, the terrorists and the drug lords and pushers,” ani Sec. Panelo.