-- Advertisements --

Hindi pipigilan ng Malacañang si dating Senador Leila de Lima kung nanaisin nitong tumestigo sa International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kung boluntaryong magbibigay ng testimonya si De Lima at papayagan ito ng ICC prosecutors, ay hindi ito tututulan ng gobyerno.

Nauna nang nagpahayag si De Lima ng kahandaang tumestigo kung iimbitahan ng ICC.

Kung maalala una nang inimbestigahan ni de Lima ang Davao death squad noong siya pa ang chairperson ng Commission on Human Rights. Isa rin siya sa mga naghain ng reklamo sa ICC, kung saan ipinadala niya ang opisyal na komunikasyon kahit siya ay nakakulong.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Dino de Leon, bukod sa kahandaan ni De Lima na tumestigo, naisumite na rin nito sa ICC ang mga ebidensyang nakalap niya noong siya ay CHR chairperson at Senate Chairperson ng Committee on Justice, partikular sa imbestigasyon hinggil sa malawakang patayan sa ilalim ng administrasyong Duterte bago siya ipinaalis sa Senado at ipinakulong.