Muling iginiit ng Palasyo ng Malacañang na labas sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng Duterte administration.
Ipinahayag ito ni acting presidential spokesman Martin Andanar bilang tugon sa sinabi ni presidential bet Leody de Guzman na hahabulin niya ang hustisya laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa oras na mahalal daw siya sa Mayo 9.
Kaugnay niyan ay tinawag ni Andanar ang ICC na “court of last resort” na ginagamit lang daw kapag ang isang partido ng estado ay ayaw mag-imbestiga sa mga lumalabag sa mga batas.
Nananatili naman daw kasi ang kakayahan at functional ng criminal justice system ng Pilipinas, at nagpapatuloy din aniya ang pagiging independent at impartial ng mga legal institutions sa bansa dahilan kung bakit hindi nito kinakailangan ang ICC.
Una rito ay sinabi ni De Guzman na kapag nahalal daw siya sa pagkapangulo ay papayagan niya ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa drug war ng administrasyon kung saan ay napatay ang nasa 6,000 drug suspects mula nang maupo sa panunungkulan si Pangulong Duterte noong 2016.
Kung maalala ay paulit-ulit na nakatanggap ng pambabatikos mula sa pangulo ang ICC at mga human rights group dahil sa mga pagpuna nito sa kanyang mga kampanya laban sa iligel na droga.
Sinabi rin niya gusto niyang ipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang kampanyang ito dahil sa kanyang pag-aalala sa posibleng pagkabuhay nito sa oras na magbitiw na siya sa pwesto.