-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Malacañang mga naitatalang insidente ng bullying sa mga paaralan.

Tiniyak ng Palasyo ang mabilis na aksyon ng pamahalaan para maresolba ang mga insidente ng karahasan at bullying sa mga paaralan kamakailan, kung saan sangkot ang ilang estudyante.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro batid ng palasyo ang mga insidenteng ganito kaya agad pinuntahan ng mga social workers mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga sangkot na paaralan, para imbestigahan at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga estudyante.

Nag-iimbestiga na rin aniya ang Department of Education at kinausap ang principal ng mga paaralang sangkot para malaman ang buong detalye sa mga insidente.

Kabilang sa mga naitalang karahasan sa mga paaralan ay ang pagkamatay ng dalawang senior high school students sa Las Piñas matapos saksakin ng kapwa estudyante, gayundin ang pananaksak ng isang lalaking estudyante sa kaklaseng babae sa Parañaque at ang viral video ng isang estudyante na pinagtulungang bugbugin at sabunutan ng kanyang mga kaklase.