-- Advertisements --

Muling binigyang-diin ng Malacañang na walang halong pulitika sa paglulunsad ng 20/kilo rice program ng gobyerno.

Tugon ito ng Palasyo matapos kwestyunin ni Vice President Sara Duterte hinggil sa timing ng proyekto ilang linggo bago ang midterm elections.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, na ang pamamahagi ng subsidiya para sa murang bigas ay hindi nakabatay sa eleksiyon kundi sa pangangailangan ng mga mamamayan, partikular na ng mga nasa laylayan ng lipunan.

Ayon kay Castro walang “timing” sa pagbibigay ng tulong.

Ipinaliwanag din ni Castro kung bakit hindi agad naipatupad ang program matapos ang naging campaign promise ng Pangulo noong 2022 Presidential election dahil kinakailangan ang maayos na pag-aaral at koordinasyon sa pagitan ng national government at mga lokal na pamahalaan.

Samantala, siniguro ng Palasyo na magtatagal ang programa hanggang Disyembre ngayong taon, habang sa susunod na taon naman balak nang isama ang programa sa pambansang budget para matiyak ang pagpapatuloy ng proyekto sa 2026.

Sinabi ng Department of Agriculture na sisimulan na ang pagbebenta ng 20 pesos na kada kilo ng bigas sa May 1, habang sa May 2 naman sa KADIWA center sa Bureau of Animal Industry sa Quezon city.