NAGA CITY – Nagpaabot ngayon nang kanilang pakikiramay ang Malacañang sa pamilya ng mga biktima sa nangyaring pagkasunog ng Waterfront Manila Pavilion hotel and casino at sa nangyaring pagbagsak ng eroplano sa Plaridel, Bulacan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagluluksa rin sila sa magkasunod na trahedya.
Kaya naman ipinapaabot ng Palasyo ang pakikiramay hindi lamang sa mga pamilya kundi sa mga kakilala at kaibigan ng mga nasawi.
Sa pagsisimula ni Roque sa kanyang press briefing sa Camarines Sur Polytechnic Colleges Auditorium sa Nabua, Camarines Sur, nanguna ito sa pag-aalay ng maiksing panalangin para sa mga nasawi.
Umakyat na nga sa lima ang patay sa pagkasunog ng hotel, habang umabot naman sa 10 ang patay sa pagbagsak ng light plane sa Bulacan na liban sa limang sakay ng eroplano, nadamay din ang limang miyembro ng pamilya kung saan bumagsak ito.
“We deeply morn the loss of lives caused by fire at the Manila Pavillion and plane crash in Bulacan. Our sympathies go to the victims to their families and friends,” ani Sec. Roque sa kanyang statement.
Kung maaalala kahapon matapos manggaling ang Pangulong Rodrigo Duterte sa PMA graduation sa Baguio City ay agad itong nagsagawa ng aerial survey sa nagaganap na sunog sa Manila Pavilion sa lungsod ng Maynila.