-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang Malacañang matapos nitong pagtibayin ang dismissl kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang.

Ayon kay Executive Sec. Salvador Medialdea, mahina ang mga argumentong inilatag ni Carandang sa kanyang motion for reconsideration para baliktarin ang naunang desisyon ng palasyo.

Kinuwestyon lang daw kasi uli ng opisyal ang kapangyarihan ng Office of the President na nauna ng naipalawanag ng Malacañang sa unang hatol nito.

Bukod dito, nabatid din umano ng palasyo na sinubukan pa ni Carandang na baguhin ang mga naunang pahayag nito sa media, na siyang basehan ng reklamo sa kanya noon.

Kung maaalala, sinibak ng Malacañang ang opisyal noong 2018 matapos umanong makakita ng sapat na basehan para managot sa mga kasong graft, corruption at betrayal of public trust.

Ito’y kasunod ng expose nito sa media kung saan sinabi nito na may tagong yaman si Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito sa bangko.

Ayon kay Carandang, naglabas ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng bank records ng pamilya Duterte.

Bagay na pinalagan ng AMLC hindi kalaunan at sinabing hindi totoo ang impormasyon ng Overall Deputy Ombudsman.

Sa kabila ng pinagtibay na hatol, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na pag-aaralaan pa rin nito ang desisyon hinggil sa posibilidad na makaapela pa si Carandang sa Korte Suprema.