Naglabas ng paglilinaw ang Malacañang hinggil sa Muslim holiday sa Lunes, Enero 27, bilang pagdiriwang ng Isra Wal Miraj, o ang Night Journey at Ascension ng Propetang si Muhammad.
Kinumpirma ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang holiday ay ipinatutupad lamang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang mga itinalagang Muslim na lugar ayon sa Muslim Code.
Habang sa National Capital Region (NCR) ay pinapayagan na hindi pumasok sa trabaho ang mga Muslim.
Ang holiday ay batay sa Muslim Personal Laws, partikular ang Article 169 ng Presidential Decree No. 1083 na ipinasa noong 1977. Kilala rin ito sa pamamagitan ng Civil Service Commission (CSC) Resolution No. 81-1277 na inisyu noong 1981.
Ang Isra Wal Miraj ay isang mahalagang kaganapan sa Islam na nagmamarka ng paglalakbay umano ni Propeta Muhammad mula Mecca papuntang Jerusalem (Isra) at ang kanyang pag-akyat sa langit (Miraj) sa loob ng isang gabi.
Kabilang sa mga obserbasyon ang mga espesyal na dasal, pagninilay sa Quran, at pagpapahalaga sa espiritwal na kahulugan ng kaganapang ito.
Bagamat hindi ito isang pambansang holiday, ang pagdiriwang ng Isra Wal Miraj sa Enero 27 ay mahalaga sa pananampalataya ng mga kapatid nating Muslim na kinikilala sa ilang mga rehiyon base sa batas ng Pilipinas.