-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang Malakanyang sa mga lokal na kandidato na tiyaking sumusunod sila sa batas sa panahon ng kampanya.

Ginawa ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang pahayag kasunod ng pag-arangkada ng campaign period at full implementation ng Penera Doctrine.

Sinabi ni Castro na hindi maituturing na premature campaigning ang anumang aktibidad ng isang indibidwal bago ang opisyal na campaign period, alinsunod sa Penera Doctrine.

Sa ilalim ng doktrinang ito, paliwanag ni Castro, isang opisyal na kandidato lamang ang maaaring mahuli sa paglabag sa mga panuntunan ng kampanya, kaya’t ang anumang kilos bago ang campaign period ay hindi itinuturing na iligal, maliban kung lumalabag ito sa iba pang batas at regulasyon ng Commission on Elections (Comelec).

Kasabay nito, nagpaalala rin ang Palasyo sa lahat ng kandidato na maging huwaran sa pagsunod sa batas.