Pinayuhan ng Malacañang ang mga TV personalities ng ABS-CBN na sa Kongreso makiusap para sa franchise ng network at hindi kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nasa Kongreso pa rin ang kapangyarihang mag-grant ng prangkisa at wala kay Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Panelo, gaya ng nakagawian, hindi umano nakikialam si Pangulong Duterte sa trabaho ng ibang sangay ng pamahalaan.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng Malacañang na hindi nag-usap si Pangulong Duterte at Solicitor General Jose Calida sa hakbang nitong paghahain ng quo warranto petition laban sa franchise ng ABS CBN.
Trabaho umano ng SolGen na magsampa ng reklamo sa mga pinaniniwalaan nitong nagkaroon ng paglabag sa Konstitusyon.
Una rito sa statement ng TV network, iginiit nito na walang basehan ang mga alegasyon ng Office of the Solicitor General.
“Sumusunod ang ABS-CBN sa mga batas kaugnay ng aming prangkisa at aprubado ang operasyon namin ng mga kaukulang sangay ng gobyerno. Aprubado, may permiso ng gobyerno, at hindi labag sa franchise ang lahat ng mga serbisyo namin sa broadcast, kasama na ang KBO. Masusing sinuri at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission at Philippine Stock Exchange ang Philippine Deposit Receipts o PDRs ng ABS-CBN Holdings bago ito inialok sa publiko.”
Sa Kamara, pumalag ang ilang kongresista sa paghahain ng Office of the Solicitor General ng quo warranto, isang buwan bago mapaso ang prangkisa ng naturang media giant.
Sa isang statment, sinabi Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Fortun na sa mga susunod na buwan ay magiging moot and academic na rin naman ang quo warranto na inihain ni Solicitor General Jose Calida.
“We still have to see the contents of the Quo Warranto Petition, but offhand, this is quite puzzling since the franchise sought to be revoked is expiring in a month,” ani Fortun.
Sa oras kasi aniya na makapagpalabas ng desisyon ang Korte Suprema sa petisyon ng OSG, malamang ay paso na ang prangkisa.
Bilang co-author ng House Resolution 639 na sumusuporta sa franchise renewal ng ABS-CBN, umaasa si Fortun na ituloy pa rin ng House Committee on Legislative Franchises ang pagdinig sa naturang usapin at huwag gamiting dahilan ang hakbang ng OSG para huwag ituloy ito.
Kumpiyansa naman si Laguna Rep. Sol Aragones, may-akda ng House Bill 3947 para sa franchise renewal ng ABS-CBN, may sapat pang panahon para dinggin at maipasa ito bago mag-adjourn ang Kongreso sa Marso 11, 2020.
Naniniwala rin si House Deputy Speaker Johnny Pimentel na nagkaroon ng usurpation sa kapangyarihan ang SolGen sa Kamara lalo na at hidi pa naman nadidinig ang mga panukalang nakahin patungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Samantala, sinabi naman Bayan Muna chairman Neri Colminares na mistulang pribadong law firm ng Pangulong Rodrigo Duterte ang OSG na ginagamit para gantihan ang mga nakalaban sa politika ng punong ehekutibo.
Mas dapat nga aniya na unahin ng OSG ang pagsasampa ng quo warranto case laban sa mga public utilities dahil ito ay may direktang epekto sa buhay ng taumbayan.