-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng Malacañang na preemptive measure ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsuspinde sa lahat gaming schemes ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan.

Kagabi binawi na ni Pangulong Duterte ang suspension sa Lotto matapos makita na walang iregularidad sa operasyon nito at nasusunod ang mga regulasyon.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maraming natanggap na impormasyon kaugnay ng korupsyon si Pangulong Duterte kaya minabuti nitong ipatigil ang lahat ng PCSO gaming scheme gaya ng Small Town Lottery (STL), KENO at Peryahan ng Bayan.

Bukod dito, pagbibigay daan din umano para sa imbestigasyon ang ginawang suspensyon.

Nilinaw ni Panelo na hindi kasama sa iniimbestigahan bagong general manager ng PCSO na si Col. Royina Garma.

Kabilang naman daw sa mga iimbestigahan ang mga isinawalat na malawakang korupsyon ni dating PCSO general manager Alexander Balutan at napabalitang mga “mistah” nito ang nakinabang umano sa bilyun-bilyong pondo ng ahensya.

Wala namang nakikitang dahilan si Sec. Panelo para humingi ng paumanhin sa mga naapektuhang manggagawa sa PCSO partikular sa mga Lotto outlets.