-- Advertisements --

Inihayag ng Palasyo ng Malakanyang na hindi magandang halimbawa si Senator Ronald Dela Rosa na dating PNP Chief na magtago kapag lumabas na ang warrant of arrest nito mula sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi kasi ni Dela Rosa na hindi ito magpapa aresto kapag lumabas ang warrant of arrest para sa kaniya.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro ang naging pahayag ni Senator Bato dela Rosa na ikinokonsidera nitong magtago sakaling may lumabas na arrest warrant para sa kanya mula sa International Criminal Court.

Sinabi ni Castro na nakakapagtaka na nanggaling ito sa dating PNP Chief.

Tanong tuloy ni Castro kung ito ba ang nais na ipahiwatig ng Senador sa taumbayan na kapag may warrant of arrest ay dapat magtago.

Sa naging pahayag ng Senador hindi ito sasang-ayunan ng Palasyo.

Ayon kay Castro, hindi makabubuti sa bansa kung mismong mga lider pa ang magpapakita ng kawalan ng respeto sa batas.

Hinimok niya si dela Rosa na harapin ang anumang reklamo na inihain o ihahain laban sa kanya.

Dagdag pa ni Castro, handa ang pamahalaan na makipagtulungan muli sa Interpol sakaling magkaroon ng kautusan para sa pag-aresto sa senador.