Dinipensa ng Palasyo ng Malakanyang ang paglaki ng travel expenses ng Office of the President sa taong 2022 kumpara nuong 2021.
Ayon sa Palasyo, ginagamit lamang ng Marcos Administration ang mga pagkakataon at tiyansa na available para sa Pilipinas, upang makapag-generate ng mas maraming foreign investment sa Pilipinas, na daan naman upang mapag-igting ang pandemic recovery initiatives ng pamahalaan.
Ang pahayag ni PCO Secretary Cheloy Velicaria – Garafil ay kasunod ng inilabas na ulat ng COA na ang travel expenses ng Office of the President para sa taong 2022 ay tumaas sa Php 403 million mula sa Php 36.8 million noong 2021.
Ayon sa kalihim, batid naman ng lahat na ang taong 2021 ay kasagsagan pa ng pandemiya, at limitado lamang ang mobility ng lahat.
Taong 2022 aniya nang palakasin ng pamahalaan ang pagbubukas ng ekonomiya, at paga-alis ng mga umiiral na restriksyon.
Sa nasabing taon, simulan din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pag-ikot sa bansa, upang masiguro na ang mga programa, proyekto, at assistance ng pamahalaan ay makakaabot sa mga benepisyaryo nito.
Pagbibigay diin ng kalihim, ang Office of the President ay nakatanggap ng maraming imbitasyon para sa mga international events, conferences, high-level meetings, at iba pang officials working visits.
Magugunita na nuong ikalawang SONA ni Pangulong Marcos, binanggit nito na mula sa mga nagdaang foreign trips nito sa 10 bansa, nasa Php3.9 trillion na na halaga ng investment pledges ang naiuwi ng Philippine delegation.