Dumistansiya ang Malakanyang sa pagbibigay ng pahayag kaugnay sa kung may hidwaan ba ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr at ang nakakatandang kapatid nito na si Sen. Imee Marcos.
Ito’y kasunod sa mga naging aksiyon ng senadora na hindi tumutugma sa pananaw ng kaniyang kapatid na Pangulo ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro kung sa panig ni Sen. Imee makikita na mayruong hidwaan ang magkapatid.
Subalit sa panig ni Pang. Marcos, wala itong sinasabi patungkol sa kaniyang kapatid.
Sinabi ni Castro, mas mabuti kung si Pangulong Marcos na ang magsalita ukol sa nasabing isyu.
Gayunpaman ayon sa Palace Press Officer, hindi pikon ang Pangulong Marcos kahit siya ay binabanatan.
Wala din silang naririnig na hinanakit mula sa Pangulong Marcos laban sa kaniyang kapatid na senadora.
“ As we can see from the statements of Senator Imee Marcos, it seems like there is. But on the part of the President, we cannot say that there’s a rift between the relationship … in the relationship of the two siblings. So, hintayin na lang po natin kung mayroon mang sasabihin ang Pangulo. But sa ugali kasi ng Pangulo, hindi po siya masyadong .. alam ninyo po iyon, hindi siya pikon. Kaya kahit anong banat, kahit nakita na ninyo po si Senator Imee Marcos na nandudoon sa Maisug rally habang binabanggit ng dating Pangulong Duterte ang paninira sa kaniya, kay PBBM, wala po tayong nadinig. Wala rin po tayong nadinig na anumang hinanakit, kung mayroon man ha, mula sa Pangulo para sa kaniyang kapatid,” pahayag ni USec. Claire CAstro.