Pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa naging banat ni Davao City Mayor Baste Duterte na nagiging malamya ang gobyerno sa mga kriminal dahilan na nagiging talamak ang ibat ibang criminal activities.
Bwelta ni Palace Press Officer Usec Claire Castro na magpakita ng datos si Mayor Baste na magpapatunay sa kaniyang alegasyon.
“Ang tanong natin, saan ba niya nakuha ang mga data, iyong mga facts na binabanggit niya na lenient ang bagong pamahalaan o ang kasalukuyang administrasyon patungkol sa paggawa ng krimen? Sinabi na po natin ito, panahon po ni dating Pangulong Duterte, mas mataas po ang crime rate kung ikukumpara po sa panahon ng kasalukuyang administrasyon – iyan po ay base sa statistics,” pahayag ni Atty. Castro.
Sinabi ni Castro walang basehan ang paratang ng alkalde.
Batay sa pahayag ni Mayor Baste, na nagiging malamya ang gobyerno sa mga kriminal kaya talamak ang ibat ibang krimen.
Giit ng opisyal na nuong panahon ng administrasyon ng kaniyang ama mataas ang krimen sa bansa.
“ Siguro po bago po magbintang at magparatang si Mayor Baste patungkol sa diumanong leniency ng Pangulo/ng kasalukuyang administrasyon patungkol sa pagsasagawa ng krimen, tingnan niya po muna at araling mabuti, makipag-usap sa mga abogado para malaman kung ano ang totoong records. Mas mataas po ang crime rate sa panahon ng kaniyang ama,” dagdag pa ni Atty. Castro.