Hindi palalagpasin ng Palasyo ang mga pahayag na may elemento na ng inciting to sedition.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na bagamat hindi balat-sibuyas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at hindi madaling maapektuhan ng mga batikos o pagmumura ng publiko, pero alam din naman daw ng Malacañang kung hanggang saan lang ang pwedeng palampasin.
Ayon kay Castro, handa ang Palasyo na magsampa ng kaso laban sa mga nag-uudyok sa publiko na magalit sa gobyerno at sa Pangulo.
Gayunman, nilinaw niya na sa ngayon ay walang indikasyon na personal na kikilos ang Pangulo upang gawin ito.
Dagdag pa ni Castro, hindi hinahadlangan ng pamahalaan ang karapatan ng publiko na ipahayag ang kanilang saloobin, lalo na kung sila ay tagasuporta o panatiko ng isang lider.
Subalit, pinaalalahanan niya ang lahat na huwag lumampas sa hangganan na maaaring magdulot ng alarma, dahil maaari na itong ituring na inciting to sedition.
” As we can say, the president is not onion-skinned, okay. Usually po, hindi po siya nadadala ng ganiyan. Pero kapag po nandoon na po iyong elemento ng inciting to sedition, which is of course without any tumultuous uprising but they are encouraging people to sow hatred to the government, to the President, then we have to step up,” pahayag ni USec. Claire Castro.