-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Malakanyang na nominadong muli ang Pilipinas sa iba’t ibang kategorya sa 2025 World Travel Awards.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na pasok ang Pilipinas sa mga kategoryang “Asia’s Leading Beach Destination,” “Asia’s Leading Dive Destination,” at “Asia’s Leading Island Destination.”

Ayon kay Castro, una nang napanalunan ng Pilipinas ang mga kategoryang ito noong 2024 kaya naman umaasa ang Palasyo na muling masusungkit ng bansa ang panalo.

Binanggit pa ni Castro na maging ang Boracay, Intramuros at Cebu ay nominado rin sa iba’t ibang kategorya.

Sabi ng Malakanyang, ang mga nominasyong ito ay patunay sa likas na ganda ng Pilipinas at masigasig na pagtutok ng administrasyong Marcos sa pagpapalakas ng turismo.

Matatandaang kamakailan ay kinilala ang Pilipinas bilang Destination of the Year sa Routes Asia 2025 na ginanap sa Perth, Australia.