-- Advertisements --

soldiers troops formation

Nakatakdang bubuksan ang Palasyo ng Malakanyang para sa isang konsiyerto para sa mga bagong performing artists mula sa buong Pilipinas na tinawag na  ‘Konsyerto sa Palasyo’ o KSP na naka iskedyul sa April 22, 2023, 6:30 ng gabi.

Isa itong di malilimutang gabi ng samu’t saring pagtatanghal ang matutunghayan para sa mga espesyal na bisita sa nasabing okasyon – ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines o AFP).

Ito ay mula sa inisyatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang KSP ay serye ng mga konsyerto sa loob ng Palasyo ng Malakanyang na magtatampok sa pinakamahuhusay at mga bagong artista bilang pagbibigay halaga sa mayamang kultura at world class talent ng mga Pilipino sa performing arts. 

Naniniwala ang Pangulo na hindi dapat maiwanan ang creative industry habang muling umaarangkada ang ekonomiya ng bansa.  

Tampok sa konsyerto ang mga singer, instrumentalists, dancers at movement artists, rappers, spoken word artist, rock vocalists, theater artists, beatbox artists at marami pang iba.

Sa April 22, bibida ang mga performers na tubong Cebu, Ilocos Norte, Quezon, Cavite, Iloilo, Metro Manila at Davao sa entablado ng Malakanyang.

Dadalo ang mga miyembro ng AFP mula sa major services, kasama ang kani-kanilang pamilya, bilang mga bisitang manonood sa gabi ng programa. 

Ipapalabas din sa pamamagitan ng live stream ang konsyerto sa Facebook ng Radio Television Malacañang, Office of the President at Bongbong Marcos Facebook page. 

Ito ang una sa serye ng ‘Konsyerto sa Palasyo’ para sa taong 2023. 

Asahan ang mga susunod pang pagtatanghal mula sa mga bagong mukha ng talentong Pinoy sa mga darating na buwan.