Mariing itinanggi ng Malacanang ang naging pahayag ng China patungkol sa umano’y pangako ng pamahalaang Pilipinas na aalisin nito ang BRP Sierra Madre sa area ng Ayungin Shoal.
Ayon kay Presidential Communications Office secretary Atty Cheloy Garafil, walang pangakong naganap sa pagitan ng dalawang pamahalaan na taliwas sa claim ng China.
Binigyang diin ng Kalihim na kung ano ang posisyong binitiwan ng Department of Foreign Affairs ukol sa isyu ay ito ang magiging paninindigan ng gobyerno.
Kasama na dito na panatilihin ang BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin shoal sa kabila ng paggigiit ng China na tanggalin ang World War II na barko ng Pilipinas sa nabanggit na Lugar.
Taong 1999 pa ipinoste ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin sa layuning gawin itong military outpost sa nasabing pinag-aagawang karagatan.
Nanindigan naman ang National Security Council na walang dahilan para tanggalin ang nasabing barko sa Ayungin Shoal dahil sakop pa ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa kabilang dako, inihayag naman ni National Security Council Spokesperson Jonathan Malaya na walang katotohan ang sinasabi ng China.
Siniguro ni Malaya na hindi isusuko ng gobyerno ang “sovereign rights” nito sa West Philippine Sea partikular ang Ayungin Shoal.