Inanunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagbibitiw sa pwesto ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual.
Ayon sa PCO, ang resignation ni Pascual ay magiging epektibo sa Agosto 2, 2024 kung saan sinasabing babalik ito sa pribadong sektor.
Nabatid na nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Secretary Pascual sa Malacañang Palace na dito’y personal na tinanggap ng presidente ang pagbibitiw ng kalihim at kinilala ang kanyang napakahalagang serbisyo sa paggabay sa pagpapanumbalik at transpormasyon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi naman ni PBBM na ang pagtutok ni Pacual sa MSMEs o maliliit na negosyo ay tama at nagsisimula na aniyang maramdaman ang bunga ng patakarang ito kaya’t nalulungkot siya sa pagbibitiw ng kalihim.
Napag-alaman na agad magsisimula ang paghahanap ng kapalit ni Pascual upang matiyak ang walang putol na paglipat at pagpapatuloy ng mga inisyatibo ng nasabing departamento.