-- Advertisements --

Makikipag ugnayan ang Malakanyang sa Kongreso para sa panukalang magtatag ng isang regulatory body sa pamamagitan ng batas, para bantayan ang social media laban sa fake news.

Ayon kay Palace press officer, Usec Claire Castro na sa kaniyang paniniwala, napapanahon na ang hakbang na ito para maiwasan ang pang aabuso sa pagpapakalat ng impormasyon.

Sinabi ni Castro, hindi naman nila sinasabing hindi dapat pagkatiwalaan ang social media o puro fake news ang inilalabas dito, subalit kailangan muna aniyang suriing mabuti at manaliksik at tiyaking tama bago magpost ng anumang impormasyon.

Paglilinaw ni Castro na hindi nila pipigilan ang mga post ng kritisismo basta ito ay naaayon sa batas at may basehan, subalit ang mga paninira lamang aniya o gawa gawa lang na kwento ng troll army ay dapat mapigilan.

Punto ng opisyal, hindi aniya gawang biro ang pagpapakalat ng maling impormasyon at hindi ito matatawag na freedom of expression lalo na kung binayaran lamang ang mga ito para manira ng kapwa.