Idiniklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ng Panahon ng Pambansang pagluluksa o period of National Mourning bilang pagbigay galang kay Pope Francis.
Ito ay batay sa proclamation number 871 na nilagdaan ni PBBM nuong Martes kung saan nakasaad na malapit sa puso ng mga Pilipino si Pope Francis, lalo na noong kanyang Apostolic Visit sa bansa noong January 2015.
Nakasaad sa proklamasyon na ang pagbisita ng Santo Papa noon sa Pilipinas, ay nagpaabot ito ng pagdamay sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda at nagbigay-pugay sa matatag na pananampalataya ng mga Pilipino sa kabila ng matitinding pagsubok.
Bilang pagkilala sa kanyang dakilang ambag sa Simbahan at sa buong mundo, ipinapaabot ng pamahalaan ang pakikidalamhati.
Nagsimula ang period of National Mourning kahapon at magtatagal hanggang sa araw ng kanyang libing sa araw ng Sabado.
Sa panahong ito, iha-half mast ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng gusali at pasilidad ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa.
Una na ring sinabi ng Malacañang na ba-byahe pa-Vatican si Pangulong Marcos at FL Liza para dumalo sa libing ng Santo Papa.