-- Advertisements --

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na nakahanda silang sundin anumang kautusan ng Supreme Court na may kaugnayan sa isyu sa zero subsidy ng Philhealth.

Ang pahayag ng Malakanyang ay kasunod ng pagkwestiyon ni Dr. Tony Leachon sa Korte Suprema kaugnay sa zero subsidy ng gobyerno sa state insurer na kauna -unahan ito sa history ng bansa.

Ayon kay Leachon ang ginawa ng Pangulo ay pagpapakita na hindi binibigyan ng importasniya ang kalusugan ng bawat Pilipino.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press officer at PCO Usec Claire Castro na hihintayin ng Palasyo ang magiging tugon dito ng Korte Suprema.

Sinabi ni Castro nakahanda ang Malakanyang na ibalik ang pondo ng Philhealth kung ito ay iatas ng Korte Suprema.

Binigyang-diin ni Castro na may sapat na mga kadahilan kung bakit hindi nabigyan ng subsidiya ang Philhealth sa ilalim ng 2025 national budget.

Una ng inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na hindi na kailangan ng subsidiya ng Philhealth dahil may sapat itong pondo para sa kanilang mobilisasyon at maging sa pagbibigay ng benepisyo sa mga miyembro nito.

” Mayroon pong mga dahilan dito kung bakit po naging zero subsidy ang mga mambabatas natin. Pakinggan na lang po muna natin kung ano po ang magiging desisyon ng Supreme Court. Kung sasabihin po ng Supreme Court na dapat po na ibalik ang subsidy mula sa gobyerno, tutuparin po natin iyan at magku-comply po tayo kung anuman po ang sasabihin ng Supreme Court,” pahayag ni Usec Claire Castro.