-- Advertisements --

Tumanggi muna magbigay ng pahayag ang Palasyo ng Malakanyang kaugnay sa “Pardon” na posibleng ibibigay sa Pinay drug mule convict na si Mary Jane Veloso.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin na sa ngayon ang prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay ang pagbabalik sa bansa ni Veloso na nakakulong sa bansang Indonesia.

Sinabi ni Bersamin wala pa silang masabi hinggil sa posibleng pardon na ibibigay ng Pangulong Marcos.

“ Nothing to say yet on what may happen. The priority of PBBM is to have Veloso repatriated without delay,” mensahe ni ES Bersamin.

Una ng inihayag ng Department of Foreign Affairs na bukas nakatakdang dumating sa bansa si Veloso.

Ayon kay Foreign Affairs USec. Tess Lazaro, alas-12:50 ng madaling araw ng Miyerkules ang flight ni Veloso at bandang alas-6:00 ng umaga ito darating ng bansa.

Lubos naman nagpasalamat ang Pilipinas sa Indonesia hinggil sa pagpayag nito na ibigay ang kustodiya ni Veloso sa Pilipinas.

Sinabi ni Bersamin ang pagbabalik bansa ni Veloso ay bunga ng dekada ng pag-uusap, konsultasyon at diplomasiya.

Dagdag pa ni Bersamin ikinagagalak ng Marcos administration ang pagbabalik bansa ni Mary Jane.