Mariing pinabulaan ng Palasyo ng Malakanyang ang ulat na kumakalat sa social media na-hold ng US authorities si First Lady Liza Marcos habang nasa Los Angeles sa California ito.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Atty Claire Castro, walang katotohanan ang mga ulat na na-hold ang unang Ginang sa Amerika o sa anumang lugar sa mundo.
Ang pahayag ng Palasyo ay kasunod ng mga serye ng post sa social na hinarang sa airport si First Lady Liza Marcos.
Kinumpirma ng Malakanyang na pumunta si FL sa LA para dumalo sa International Film Festival bilang suporta sa mga local artist ng bansa.
Sinabi ng Malacañang na nakabalik na sa bansa ang Unang Ginang noong Lunes March 10, bandang alas-singko ng umaga.
Batay sa social media post ng First Lady, nagpunta siyang Los Angeles noong March 5 para dumalo sa isang lunch kasama ang mga Filipino-American na nahalal at itinalaga sa US government.
March 6, humarap sa isang curated press conference sa West Hollywoood si Marcos kasama sina Tourism Sec. Cristina Frasco at DTI Sec. Ma. Cristina Roque.
Sa parehong araw dumalo ang Unang Ginang sa thanksgiving dinner at nanood ng isang documentary sa sinehan, na bahagi ng aktibidad ng Manila International Film Festival (MIFF).
Kinabukasan, March 7, dumalo si Marcos sa Gala Dinner ng MIFF, at nang sumunod na araw, March 8, ay dumalo siya sa MMFF 50: Konsyerto Para sa Filipino, na isang benefit concert para sa Filipino community sa Los Angeles.
Sa kanyang official Facebook page, kahapon ang huling post ni FL Liza, kung saan ibinahagi niya ang isang larawan kasama ang mga taga Girl Scouts of the Philippines para sa turn-over ng donasyon.