-- Advertisements --

Hindi makikialam ang Malakanyang sa paghingi ng asylum ni Atty. Harry Roque sa The Netherlands.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, saka lang kikilos ang Palasyo kapag may naisampa ng kaso at kung may warrant of arrest na laban kay Roque.

Una nang pinagdudahan ng Palasyo na agad mabibigyan ng asylum si Roque dahil sa paniniwalang mahihirapan itong patunayan na mayroong political persecution laban sa kanya sa Pilipinas.

” Sa ngayon po, siguro’y nabalitaan ninyo na po na hindi na po makakasama si Atty. Harry Roque bilang parte ng legal team ni dating Pangulong Duterte. Siguro po o kung sinabi man niya na nandudoon siya, hindi siya uuwi dahil iri-represent niya ang kaniyang presidente, mas maganda po siguro na unahin niya munang i-represent iyong sarili niya, ipagtanggol ang sarili niya bago magtanggol ng ibang tao,” pahayag ni USec. Claire Castro.

Samantala, pinayuhan ng Malacañang si Roque na unahin munang ipagtanggol ang sarili bago ang ibang tao.

Reaksiyon ito ng Palasyo matapos hingan ng reaksyon kaugnay sa request na political asylum ni Roque, sa Netherlands, kasunod ng planong harangin ng Makabayan bloc ang hiling ng dating presidential spokesperson.

Sinabi ng opisyal na dahil hindi na magiging bahagi si Roque ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, para sa kinahaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC), wala na siyang dahilan upang manatili pa sa Netherlands.

Aniya, dapat nang umuwi ng Pilipinas si Roque, at tutukan ang pagtatanggol sa kaniyang sarili, laban sa mga reklamong ibinabato sakaniya.

” Well, anyway patungkol po sa kaniyang asylum, kapag po siguro mayroon nang warrant of arrest at kung siguro pong may kaso na po talaga siyang kriminal na kakaharapin po sa korte, diyan lang po na magri-react ang Palasyo,” dagdag pa ni USec. Claire Castro