-- Advertisements --

Hindi lahat ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang lalahok sa panawagang “zero remittance week.”

Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Usec Claire Castro, kasunod ng naging panawagan ng isang grupo na kilalang mga supporters ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Castro maraming mga OFWs ang hindi sang-ayon sa nasabing panawagan dahil magugutom ang kanilang pamilya na nandidito sa Pilipinas.

Sinabi ni Opisyal kung magpapadala ang mga ito sa mga pang-uudyok ng ibang mga tao hindi lamang ang gobyerno ang maaapektuhan kundi maging ang kanilang pamilya.

Binigyang-diin ng Opisyal na hindi kalaban ang gobyerno kaya dapat magkakakampi dahil pare-parehong mga Pilipino.

Inihayag ni Castro na wala silang natatanggap na ulat na may mga nag-uudyok sa mga OFWs.

Nagbabala naman si Castro duon sa mga nag-uudyok lalo na kung ito ay inciting to sedition dahil hindi ito palalagpasin ng pamahalaan.

Panawagan ni Castro sa mga OFWs na magmasid at huwag maniwala sa mga kumakalat na fake news.

Gayunpaman sinabi ng opisyal na wala silang nakukuhang impormasyon na may mga nag-uudyok sa mga OFWs na huwag magpadala ng remittance sa kanilang mga kamag anak dito sa Pilipinas.

Nilinaw din ng opisyal na hangga’t walang malalabag na batas ay walang gagawing legal na aksyon ang pamahalaan at hindi rin nito sisikilin ang kagustuhan ng mga OFWs kung hindi sila magpapadala ng remittance sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Hindi naman hahadlangan ng gobyerno kung ayaw magpadala ng remittance ang mga OFWs dahil karapatan at choice nila ito.

Gayunpaman, nanawagan ang Malakanyang sa mga OFWs huwag maniwala sa mga fake news.

Kumpiyansa naman ang Palasyo na hindi magpapadala ang mga OFWs sa ganitong panawagan dahil maaapektuhan ang kanilang mga pamilya mismo.

Hindi naman nakikita ng gobyerno na magkaroon ng economic implications sa Pilipinas ang zero remittance protest ng mga OFW.