-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malakanyang na mismong ang Office of the President (OP) at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sumagot sa hospital bill ni National Artist Nora Aunor at hindi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Senior Undersecretary Ana Puod, ito’y sa ilalim na rin ng hospitalization benefits para sa mga National Artists.

Ayon kay Puod, personal na binayaran nina PBBM at First Lady Liza Marcos ang iba pang mga gastusin ni Aunor sa ospital, pati na rin ang iba pang mga utang at personal na gastos o bayarin ng yumaong aktres.

Batay sa impormasyong nakuha ni PCO Secretary Jay Ruiz mula sa hospital umabot sa P1.8 milyon ang halaga ng hospital bill, hindi aniya makapagbibigay ng karagdagan pang detalye ang Palasyo ukol sa breakdown ng binayarang halaga.

“Aside sa makukuha nya as National Artist nagbigay ng personal na pera yung mag asawa. Kasi nasa private hospital si Nora Aunor, malaki yung bill na di na kayang icover. Nung tinanong ang PCO kanina sinabi namin na as per PCSO hindi na sila yung nagbayad kasi inako na ni PBBM at ni FLAM yung hospital bill at iba pang expenses,” payahag ni Senior USec. Puod.