-- Advertisements --

Tiniyak ng Malakanyang na mas mahigpit ang mga kondisyon sa pagpapalabas ng pondo ngayong taon.

Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, ito ay para matiyak na ang paggugol ng pondo ay naaayon sa mga prayoridad ng pamahalaan at para ma-protektahan mula sa partisan interests.

Sinabi ni Bersamin, magiging transparent ang pagpapalabas ng mga pondo alinsunod sa mga umiiral na batas at sa mga tuntunin ng maayos na pamamahala.

Kinikilala anya ng pamahalaan na ang pagpopondo sa budget ay pinapasan ng taumbayan kaya naman nararapat lang na makita ang mga sakripisyong ito sa implementasyon.

Muli namang ipinaalala ni Bersamin na direktang vineto ni Pang. Marcos ang pinakamalaking halaga ng appropriations sa kasaysayan bagay na wala pang Presidente ang gumawa.

Pagkatapos anya ng masusing review, iniutos nito ang paglilipat ng bilyones na pondo sa mga proyekto at programang pakikinabangan ng mga tao.

Ginawa ni Bersamin ang pahayag kasunod ng panawaganng mga kaparian sa mga mananampalataya na ayawan ang tinawag nilang ayuda-driven 2025 national budget na anila’y nagtataguyod ng corruption at patronage politics.