-- Advertisements --

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na nasa maayos na kalagayan ang kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tugon ito ni Palace Press Officer Usec Claire Castro sa gitna ng mga espekulasyon hinggil sa kalagayan ng kalusugan ng Pangulo na lumabas sa social media.

Sinabi ni Castro na patunay ng maayos na kalusugan ng Pangulo ang araw- araw na pagdalo nito sa ibat ibang aktibidad sa labas ng Palasyo at mga pulong sa Malakanyang, na hindi aniya magagampanan ng Pangulo kung hindi ito malakas, masigla at maayos ang pangangatawan.

Mensahe naman ni Castro sa mga fake news peddler na huwag gawan ng kwento ang Pangulo sapagkat hindi ito nakabubuti sa bansa.

Marapat pa nga sana aniya na ipagdasal na lamang ng mga Pilipino ang mabuting kalusugan ng Pangulo para maipagpatuloy nito ang epektibong pamumuno sa bansa at huwag umastang mga doktor sa social media.

” Kung makikita ninyo po, iyan naman po ay talagang pinapakalat – siguro para palabasin na ang Pangulo ay hindi maganda ang kalusugan, not in good health. Mapapansin ninyo po, siguro po kahit po iyong mga media, halos araw-araw naman po ay nakikita ninyo ang Pangulo sa kaniyang mga activities at sa kaniyang pagsama dito sa Alyansa. Maliban diyan ay mayroon pa rin po siyang mga meeting kasama po kami, at sa aking perspektibo dahil nakakasama tayo mismo ng Pangulo, maganda po ang kalusugan ng ating Pangulo dahil kung hindi po maganda ang kalusugan ng ating Pangulo, malamang ay hindi na po siya nakakaganap ng kaniyang mga tungkulin sa araw-araw.At ang aking pakiusap lamang po sa mga fake news peddlers, huwag ninyo pong gawan ng kuwento ang Pangulo patungkol sa kaniyang kalusugan. Hindi po iyan maganda para sa ating bansa, dapat po ipagdasal pa po natin na maging maganda ang kalusugan ng mga namumuno sa atin. At iwasan po nila na magbigay ng speculation; kahit hindi po doktor ay nagpapakadoktor sa social media,” pahayag ni USec. Castro.