-- Advertisements --

Inaalam na ngayon ng gobyerno kung ano pa ang mga kinakailanganing tulong ng mga local na pamahalaan sa negros na apektado sa explosive eruption ng Bulkang kanlaon.

Ayon kay Palace Press Officer USec Claire Castro, pinatitiyak kasi ni Pangulong Ferdinand marcos Jr sa mga concerned agencies na mabigyan ng kaukulan at karampatang tulong ang ating mga kababayan duon.

Pagtiyak ni Castro, tinututukan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga lugar na apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.

Dagdag pa ng Palace Press Officer na nakahanda ang Office of the President na magbigay ng karagdagang pondo sa mga lokal na pamahalan sa Negros kung kinakailangan.

Tugon ito ng Palasyo sa hiling ng LGU partikular sa La Castellana na madagdagan ang kanilang pantustos sa pagkain at iba pang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Sa ngayon sinabi ni Castro patuloy ang ibinibigay na serbisyo ng Department of Social Welfare and Development sa mga evacuee.

Nakikipag-ugnayan anya ang DSWD field offices sa Western at Central Visayas para sa kinakailangang tulong ng LGUs.