Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na walang ginastos ang gobyerno sa naging birthday party ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nuong Biyernes September 13,2024 sa isang kilalang hotel sa Pasay.
Ito’y matapos ang kaliwat kanang batikos dahil sa napaka engrandeng selebrasyon kung saan iniimbitahan ang isang sikat na banda ang Duran-Duran.
Nabatid na napaka mahal ng talent fee ng nasabing banda at sakay ang mga ito sa isang private jet.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez wala ni piso na ginastos ang gobyerno para sa nasabing birthday party dahil ito ay mula mga sponsors na mga kaibigan ng Pangulo.
” At no cost to the government,” sagot ni Chavez ng matanong kung may ginastos ang pamahalaan.
Pumunta na lamang sa event ang Presidente matapos ang isang araw na pagtatrabaho.
Sa pahayag ng PCO ipinagdiriwang ng Pangulo ang kaniyang kaarawan sa pamamagitan ng pagtatrabaho na bahagi ng kaniyang dedikasyon.
Nuong araw na yon nagtungo ang Pangulo sa Nueva Ecija para mamahagi ng tulong sa ating mga kababayan.
Inatasan din nito na bayaran ang hospital bills ng mga pasyente nuong araw ding yuon na naka confine sa third-level DOH hospitals.
Binuksan din ang Malakanyang para sa publiko para makibahagi sa salo-salo na talagang dinumog ng mga tao.