-- Advertisements --

Walang nakikitang mali ang Malakanyang sa larawan ni Department of Health Secretary Ted Herbosa kasama ang ilang opisyal ng tobacco company, na nagbigay ng mga mobile health clinics sa Palasyo ng Malakanyang.

Ayon kay Palace Press Officer USec Claire Castro, walang paglabag sa Civil Service Circular kung hindi naman mismong si Secretary Herbosa ang tumanggap ng donasyon.

At hindi rin daw ibig sabihin na may nilalabag nang batas ang kalihim o di kaya’y masisira na ang imahe ng DOH sa simpleng pagpapaunlak sa photo ops.

Iginiit ni Castro na bilang isang public servant, natural lamang na magpaka-gentleman si Herbosa at magpaunlak sa photo opportunity.

Nang tanungin tungkol sa polisiya ng gobyerno sa pakikisalamuha sa mga kumpanya ng tabako, sinabi ni Castro na sinusunod ng administrasyon ang batas, partikular na ang patakarang hindi dapat i-promote ng DOH ang naturang produkto. Gayunman, nilinaw niyang hindi tinatanggihan ng gobyerno ang anumang donasyon mula sa pribadong sektor basta’t walang nilalabag na regulasyon.

Matatandaang binatikos ng mga anti-smoking advocates ang naturang larawan, kung saan kasama rin sina First Lady Liza Araneta-Marcos at Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian.