Walang pangangailangan i-mobilize ang military intelligence group para sugpuin ang mga naitalang kidnapping incidents sa bansa.
Ito’y matapos hinimok ng iang mambabatas ang Malakanyang na gamitin na ang intelligence group para sugpuin ang kidnapping incidents kasunod ng pagpaslang sa negosyanteng si Anson Que at ang driver nito na si Armani Pabillo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na sa ngayon, walang matibay na basehan para masabing may “kidnapping spree” o talamak na ang kaso ng pagdukot sa bansa, para pakilusin ang military intelligence.
Binigyang diin ni Castro ang pahayag ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil na isolated at kalkuladong aksyon ang ginawa ng mga suspek na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Filipino-Chinese na si Anson Que at kanyang driver, at gayundin na pera at personal na paghihiganti lang ang motibo nito.
Naniniwala ang Palasyo na kontrolado ng pulisya ang sitwasyon at gumagana ang mga estratehiya ng law enforcement agencies laban sa krimen.
Ipauubaya na lang anila sa PNP ang pagde-desisyon kung mangangailangan ng dagdag na pwersa, sa pamamagitan ng military intelligence, bilang responde sa mga kaso ng kidnapping sa bansa.
Tugon ito ng Palasyo sa panukala ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na gamitin ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. ang kanyang kapangyarihan para pakilusin ang militar at tulungan ang pulisya sa paglaban sa mga banta ng kidnapping.