-- Advertisements --

Nanindigan ang Davao Regional Trial Court (RTC) na may sapat na basehan ang mga kasong ibinabato laban kay KAPA founder Joel Apolinario at mga kapwa nito sangkot sa investment scam kaya naglabas ang hukuman ng precautionary hold departure order (PHDO).

Ayon sa Davao RTC Branch 16, nakakita sila ng probable cause para umusad ang reklamo at maaaring maging “cause of delay” kung makakaalis ng bansa ang pangunahing akusado sa criminal charges.

Ang mga kopya ng PHDO ay ibinigay na rin sa mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) para sa karampatang aksyon, sakaling mamataan sa paliparan at pantalan ang pinuno ng KAPA at mga kasamahan nito.

Si Apolinario ay patuloy na nagtatago mula nang ipasara ng gobyerno ang lahat ng uri ng operasyon ng grupo dahil sa mga paglabag sa batas.