LAOAG CITY – Nararanasan ngayon ng mga Pilipino ang napakalakas na hangin at ulan dulot ng Bagyong Jocelyn sa United Kingdom.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Greg Pasalodos mula sa United Kingdom, dahil sa lakas ng hangin at pabugso-bugsong ulan ay may mga punong natumba at nadaganan ang mga ilang sasakyan na naka-parking sa mga kalsada.
Bukod dito, sabi niya na may mga sasakyan na pahirapan ang pagbiyahe dahil may mga kalsada na hindi na madaanan dahil may mga malalaking puno ang natumba na naging sagabal sa kanilang pagtawid.
Aniya, sa ngayon ay maraming residente ang nawalan ng suplay ng kuryente na hindi pa alam kung kailan ito maibabalik.
Dahil dito may mga ilang residente na ang pumunta sa mga evacuation center upang makapag-charge ang kanilang mga cellphone na lowbat na.
Una rito, naglabas ang United Kingdom ng flood warning sa malaking bahagi ng nasabing bansa.
Samatala, ito na ang pangalawang bagyo sa loob ng dalawang araw na makakaranas ang United Kingdom.
Ang unang bagyong Isha ay nagdulot ng malawakang pagbaha sa Northern Ireland, Scotland at England.