Naglabas ng Weather Advisory No. 14 ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na nagbabala ng malakas na pag-ulan dulot ng shear line na makakaapekto sa ilang rehiyon mula Pebrero 9 hanggang Pebrero 12, 2025.
Mula ngayon hanggang Pebrero 10 ng tanghali, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan (50-100 mm) sa Quezon, Palawan, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Eastern Samar, at Northern Samar.
Pebrero 10 ng tanghali hanggang Pebrero 11 ng tanghali, magpapatuloy ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Aurora, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Northern Samar, at Eastern Samar.
Gayundin mula Pebrero 11 ng tanghali hanggang Pebrero 12 ng tanghali, lilipat ang mga apektadong lugar sa Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, Camarines Norte, at Camarines Sur, kung saan inaasahan din ang katulad na antas ng pag-ulan.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring mas mataas ang mga pag-ulan sa mga kabundukan at matataas na lugar, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga rehiyon na nakaranas na ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, hinimok naman ang publiko at mga tanggapan ng disaster risk reduction na magsagawa ng mga preventive measures upang maprotektahan ang mga buhay at ari-arian, habang ang mga lokal na dibisyon ng PAGASA ay maaaring maglabas pa ng karagdagang mga babala ng malakas na pag-ulan at matinding kondisyon ng panahon kung kinakailangan.
Ang susunod na Weather Advisory naman ay ilalabas mamayang 5:00pm ng hapon ngayong araw, maliban na lang kung may makitang malaking pagbabago.