Magpapatuloy hanggang sa susunod na linggo ang walang humpay na taas-presyo sa produktong petrolyo sa bansa.
Ito ay dahil nakaamba na naman ang mga kompaniya ng langis na magtaas pa ng presyo ng kanilang mga produkto.
Sa impormasyon, posible umanong tumaas pa sa P12.20 hanggang P12.30 ang magiging dagdag-presyo sa kada litro ng gasolina habang nasa P6.80 naman hanggang P7 ang itataas sa halaga sa kada litro ng diesel.
Paliwanag ni Atty. Rino Abad, director ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy (DOE), muli kasing tumaas ang presyo ng gasolina at diesel sa world market kung saan umabot na sa $20 dollars ang kada bariles ng gasolina habang pumalo naman sa $36 dollars ang itinaas ng presyo sa kada bariles ng diesel.
Magugunita na ngayong linggo ipinatupad ng karamihan sa mga kompaniya ng langis ang malakihan din na dagdag presyo sa kada litro ng produktong petrolyo na pumalo naman sa P3.60 hanggang P5.85.
Nagresulta ito sa year-to-date adjustments na P13.25 kada litro para sa gasolina, P17.50 kada litro para sa diesel, at P11.40 kada litro para sa kerosina.