-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ikinagalak ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., ang matagumpay na pagrekober ng kasundaluhan sa 22 mga high-powered firearms na pag-aari ng New People’s Army (NPA) kasama ang maraming mga magazines.

Ito’y matapos ang isinagawang retrieval operations nga mga tauhan ng 60th Infantry “Mediator Battalion, 10th Infantry “Agila” Division, Philippine Army sa bisinidad ng Bagul River, Brgy Kasapa II, sakop sa bayan ng La Paz, Agusan del Sur.

Ito ay makaraang magsumbong ang dating rebeldeng si alyas Bolo, na dating miyembro ng humihina ng Guerilla Front 3 (WGF3), Sub-Regional Committee 4 (SRC 4), Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) matapos sumuko nitong nakalipas na Abril 5.

Kasama sa mga narekober ay ang 10 AK-47 rifles, pitong M16 rifles, isang Ultimax LMG, M14 rifle, M79 grenade launcher, garand rifle at M16 rifle na ang iba ay hindi na kumpleto ang mga parte na nakatakdang itu-turn over sa Philippine National Police.

Ayon kay alyas Bolo sa isinagawang inisyal na custodial debriefing, ang nasabing mga high-powered firearms ay pag-aari ng kanyang mga kasamahang sumuko na rin sa batas na dapat sana’y gagamitin para sa muling pagpapalakas sa puwersa ng Guerilla Front 3.

Ayon kay Sec. Esperon, malaking panalo ito hindi lang sa 60th IB kundi sa buong bansa dahil patunay ito na nabuwag na ang Guerilla Front 3 dahil tiyak na paralisado na ang kanilang kilusan at sira na rin ang kanilang kapasidad na makakapang-recruit.