-- Advertisements --

Nananatiling lubog sa tubig-baha ang maraming lugar sa Bicol Region, Mimaropa, at Eastern Visayas, dahil sa malawakang pag-ulan dulot ng shear line.

Ngayong araw, nakataas muli sa heavy rainfall warning ang ilang mga probinsya. Ito ay katumbas ng 100 hanggang 200 mm ng tubig-ulan na maaaring magpatuloy sa loob ng ilang oras.

Kinabibilangan ito ng mga probinsya ng Catanduanes, at mga bayan ng Palapag, Mapanas, Gamay, Lapinig, Catubig, Las Navas, Laoang, Pambujan, Silvino Lobo sa Northern Samar.

Kasama rin dito ang mga probinsya ng Sorsogon, Albay, at mga bayan ng Sagñay, San Jose, Presentacion, Caramoan, Garchitorena, Lagonoy, Goa, Tigaon, Buhi mula sa probinsya ng Camarines Sur,

Posibleng aabot sa dalawa hanggang tatlong oras na walang-tigil na pag-ulan ang mararanasan sa mga nabanggit na lugar na maging dahilan ng biglaang paglobo ng tubig sa mga kailugan.

Kahapon, malaking bahagi rin ng Palawan at iba pang mga bayan sa Mimaropa ang nalubog sa tubig baha kung saan daan-daang pamilya na ang inilikas.

Inaasahang magpapatuloy pa rin ang mga malalakas na ulan dahil sa patuloy na pag-iral ng shearline

Kahapon, Pebrero 10, at ngayong araw, nananatiling kanselado rin ang pasok sa maraming mga lugar sa Bicol Region, Mimaropa, at Eastern Visayas dahil sa malawakang pagbaha at mabibigat na pag-ulan.