Lubog sa tubig-baha ang malaking bahagi ng Palawan dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan na dulot ng easterlies.
Dahil dito, inilikas na ang humigit-kumulang 100 pamilya na apektado sa malawakang pagbaha simula pa nitong Lunes, Jan. 13.
Ang mga ito ay pansamantalang namamalagi sa mga evacuation center sa naturang probinsya.
Tumulong rin ang Marine Battalion Landing Team 7 para mailikas ang ilan sa mga residenteng na-trap sa kanilang mga bahay matapos biglaang abutin ng pagbaha ang mga ito.
Kabilang sa mga pangunahing binaha ay ang mga munisipalidad ng Sofronio Española, Quezon, at Brooke’s Point kung saan maliban sa mga kabahayan ay inabot na rin ang National Highway.
Hanggang ngayong araw, Jan. 16, nagpapatuloy pa rin ang malawakang pag-ulan sa malaking bahagi ng Palawan at mga probinsya sa Mimaropa Region tulad ng Mindoro provinces.
Tiniyak naman ng Marine Battalion Landing Team 7 at ng mga local disaster agencies na nakabase sa Mimaropa na nakabantay ang mga ito sa sitwasyon ng mga residente kasabay ng tuluy-tuloy na pag-iral ng easterlies.