Makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang malaking bahagi ng bansa dahil sa Low-Pressure Area sa silangang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa Pagasa, huling namataan ang LPA sa layong 240 kms silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Magiging masungit ang panahon sa Bicol Region, Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, at Palawan.
Samantala, ang umiiral namang northeast monsoon o hanging amihan ang makakaapekto sa hilagang Luzon.
Maulap na papawirin na may mahinang pag-ulang dala ng amihan ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes at Babuyan Islands.
Habang mayroon namang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms bunsod ng easterlies ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley.
Samantalang ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap na may isolated rainshowers dahil sa localized thunderstorms.