Malaki umano ang benipisyo sa buong Asian region ang nangyaring pagpupulong nina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un na ginanap sa bansang Singapore.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi lamang ang Pilipinas ang makikinabang sa ginanap na summit kundi ang buong Asian region.
Giit ng kalihim, ang nasabing pulong ay hudyat na rin upang matigil na ang girian sa Korean Peninsula kasama ang Estados Unidos.
Pahayag ni Lorenzana, ang meeting nina Trump at Kim Jong Un ay hudyat din ng kapayapaan sa rehiyon.
Aniya, hindi magiging biro ang sitwasyon kapag nagpatuloy ang girian ng North Korea, South Korea at US dahil kung magkakagiyera siguradong magiging madugo ito at sa kabilang side naman nakabantay ang China.
Giit ng kalihim, ngayong nag-uusap na sila magandang senyales ito para sa lahat at bababa ang intensity ng conflict at huhupa ang tensiyon.
“So now that they are talking thats good for everybody para maibsan ‘yung intensity ng conflict ‘yung bumaba ‘yung tension and maybe there will be progress there in North Korea at magkaroon din ng development doon,” wika pa ni Lorenzana.