Malaking bilang pa rin ng mga Pilipino ang pabor na magkaroon ng diplomatikong pamamaraan sa pagresolba ng tensyon at agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea at upang humupa na ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ang naging resulta ng kamakailang survey na isinagawa ng Pulse Asia survey.
Sa isinagawang survey, lumabas na 64% mula sa mga naging respondents nito ang nagsabing kailangan ng Code of Conduct sa WPS.
Kabilang na rito ang mga bansang sumasakop at umaangkin sa teritoryo ng Pilipinas.
Aabot naman sa 61% ang nagpahayag na pabor tanggalin at itaboy ang mga Chinese Coast Guard maging ang kanilang mga militia vessels sa loob ng EEZ ng Pilipinas.
Nakuha naman ang malaking bilang ng mga respondents na pumabor dito sa Metro Manila.
Naniniwala naman ang 49% ng respondents na kinakailangang magbayad ang China sa danyos na naidulot nito sa bansa.
Kasama na rito ang mga nasirang coral reefs sa West Philippine Sea dahil sa kanilang mga ilegal na aktibidad.
Ang survey ay isinagawa mula May 5 hanggang May 9 ng kasalukuyang taon habang 1200 ang kabuuang respondents nito.