Naniniwala ang Department of National Defense (DND) na hihina na ngayon ang pwersa ng mga local terrorist sa bansa.
Ito’y matapos ang pagkasawi ng leader ng New People’s Army at Dawlah Islamiyah sa magkahiwalay na operasyon sa Bukidnon at Maguindanao.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang pagkakasawi nina Jorge Madlos alias “Ka Oris” at Salahuddin Hassan sa pamamagitan ng internal security operations ay malaking dagok sa mga terorista na patuloy sa kanilang tangkang maghasik ng karahasan lalo na sa Mindanao.
Malaking kawalan umano ang pagkasawi ng dalawa at makakaapekto sa operasyon ng mga lokal na terorista.
Kasunod nito, pinuri ni Lorenzana ang Armed Forces of the Philippines lalo na ang mga tropa mula sa 4th Infantry Division at 6th Infantry Division.
Pinuri din ni Lorenzana ang PNP na katuwang nila sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan.
Dagdag pa ng kalihim, patunay ang tagumpay na ito sa pinalakas na kapasidad ng AFP at ng pinaigting na suporta ng taumbayan sa laban ng gobyerno kontra sa terorismo.