-- Advertisements --

Inamin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddy Locsin Jr. na hindi pa nila naipadadala sa Estados Unidos ang termination letter para sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Ayon kay Locsin sa pagharap sa Senado, noong isang araw pa natapos ang draft ngunit wala pang direktiba para ito ay maipadala sa US.

Hindi naman itinanggi ng DFA na malaki ang magiging epekto sa Pilipinas kapag nakansela ang VFA.

“There will be chilling effect on economic relations. We expect their Senate and the House will be hostile to any free trade agreement,” wika ni Locsin.

Maging ang relasyon natin sa iba pang bansa ay maaari ring madamay sa termination ng treaty.

Una na ring sinabi ni Senate committee on foreign relation chairman Sen. Koko Pimentel na layunin ng hearing na ma-review ang mga kasunduan kung nangingibabaw ba ang interes ng Pilipinas o ng Estados Unidos.

Kanila rin daw ikukumpara ang pinasok na kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas sa bansang Australia.

Ang magiging takbo ng pagdinig ang siya umanong isusumite nila sa Malacanang para sa rekomendasyon kung tuluyan nang kakanselahin o aayusin ang mga tratadong pinasok ng gobyerno.